Wednesday, April 30, 2014

Calamba Hacienda

Nagkaroon ng trial tungkol sa Calamba Hacienda Issue. Noong una, tinamad akong basahin ang tungkol dito. Ngunit nang mabasa ko na, sobrang naenjoy ko iyon sapagkat nakapupukaw talaga iyon ng atensyon, lalo na at iyon ang turning point ng buhay ni Rizal. Nakalulungkot nga lamang dahil mahiyain ako masyado at hindi nakasagot sa trial.

Salamat sa kaalaman tungkol sa Calamba Hacienda. Dahil dito ay naging interesado ako sa buhay ni Rizal. Ang paborito ko sa parte ng kanyang buhay ay Calamba Hacienda talaga. Ngunit nabagbag din talaga ang aking kalooban sa sinapit ni Teodora Alonzo, ina ni Rizal. Sa mga palabas ko lang kasi inaasahan ang mga kontrabida na nambibintang sa mga inosente. Pati pala sa realidad. Sadyang masama lang talaga ang daigdig.

Sa kabilang banda, nalungkot naman ako sa love story ni Rizal. Nakababaliw nga siguro talaga kapag hindi mo nakatuluyan o nakasama iyong taong tunay mong iniibig. Kaya naman hanggang sa Noli Me Tangere at El Filibusterismo ay kasama pa rin si Leonora as Maria Clara.

Sadyang kahanga-hanga si Rizal, bayaning maituturing!

Monday, April 28, 2014

Rizal: Isang Bayani

Pinanood namin ang "Ang Buhay ng Isang Bayani", isang dokumento na ginawa ng isang grupo ng mga Atenista. Sadyang kahanga-hanga si Dr. Jose Protacio Rizal Mercado Alonzo Y Realonda. Kapag tiningnan ang pangkalahatang anyo ng kanyang buhay, kitang-kita ang kanyang pagkabayani. Ang dami niyang tinapos na kurso at nakarating pa siya sa ibang bansa upang mag-aral. Ginamit niya ang kanyang kaalaman upang sumulat ng mga aklat na magpapagising sa nasyonalismo ng kanyan mga kababayan.

Wednesday, April 23, 2014

Bayani

Natutunan ko na ang isang bayani ay dapat na naglalakbay upang tuparin ang kanyang misyon. Pagkatapos noon ay babalik siyang muli sa kanyang bayan. Ito ay ayon kay Zeus Salazar. Dahil sa paliwanag na ito tungkol sa konsepto ng bayani, naalala ko ang aking ama na isang OFW. Para sa akin kasi ay isa siyang bayani. Masaya akong malaman na hindi lamang ako ang maaaring magkaroon ng ganitong pagtingin sa kanya kundi maging ang lipunan ay maaari silang tingnan na mga OFW bilang mga bayani.

Ang pinakagusto kong kahulugan ng isang bayani ay "taong handang tumulong nang hindi naghahangad ng kapalit". Kaya pala ginagamit ang terminong bayani sa pagmamahal nang tunay sapagkat kapag totoong nagmamahal, hindi humihingi ng anomang kapalit. Parang pagmamahal ng isang ina.

Naaliw ako sa pagkakaroon ng ranggo ng mga bayani noong unang panahon gaya ng Maniklod, Hanagan, Kinaboan, Luto, at Lunugum. Kapag pag-uusapan ang sinaunang panahon, "Game of Thrones" ang aking naiisip dahil pareho sila ng pinararamdam sa akin.