Monday, May 5, 2014

Aking Talambuhay

Isinumite namin ang aming talambuhay. Minadali ko ang paggagawa nung sa akin dahil nawala sa isip ko na deadline na pala. Siguro mga dalawang oras ko lang ginawa yung akin. Pero sobrang naenjoy ko ang pagsulat ng aking talambuhay sapagkat nakapagbalik-tanaw ako sa aking mga karanasan sa buhay. Nalaman ko ang mga pagbabago sa aking mga pananaw at napagtanto kung ano talaga ang mga bagay na pinahahalagahan ko.

Ito ang aking isinumite:

Kapag Pag-ibig ang Naghari
            Noong ika-1 ng Enero, taong 1995, sa lungsod ng San Pablo, probinsya ng Laguna ay ipinanganak ako. Janina Gaile ang ipinangalan sa akin ng aking mga magulang; ang Janina ay nagmula sa pinagsamang pagkakasalin sa Ingles ng buwan at araw ng aking kapanganakan- JANuary NINE, at ang Gaile naman ay ibinahagi ni Mama Glo, kapatid ng aking ina, sapagkat mas magiging maganda raw pakinggan kung dadagdagan ng gayon.
            Ang aking ama ay si Pedro Mendoza Palad at ang aking ina naman ay si Ma. Cristina Matunan Palad. Si Papa (tawag ko sa aking ama) ay hindi nakatapos sa kanyang kursong Civil Engineering ngunit kahit gayon ay nagsikap siya na buhayin ang aming pamilya. Sa kasalukuyan ay carer siya sa London, England. Mag-aanim na taon na siya roon at buhat nang makarating doon ay hindi pa siya umuuwi rito. Ang pangako niya sa amin ay uuwi siya kapag napagtapos na niya ako sa pag-aaral ko rito sa Unibersidad ng Pilipinas (UP). Dahil dito, masasabi kong isa siyang bayani na naglalakbay upang matupad ang misyon niyang tumulong na mahubog ang isang iskolar para sa bayan at kapag natapos ang kanyang misyon ay babalik na muli sa kanyang bayan. Kahit na malayo ang haligi ng aming tahanan, matibay pa rin ang samahan ng aming pamilya. Ito ay dahil sa pangunguna ni Mama (tawag ko sa aking ina). Natapos ni Mama ang kanyang kursong Commerce ngunit nang mag-asawa ay tumigil na siya sa pagiging empleyado. Sa halip, nagtayo sila ni Papa ng pansariling kabuhayan- paggawa ng skinless longganisa upang masubaybayan niya kami. Tinigil lang ito noong nakaalis si Papa ng bansa. Ang aking ina ay napakabuti. Binibigay niya lahat ng aming hingin kapag kaya niya itong ipagkaloob. Nakasuporta siya sa lahat ng bagay na nais naming gawin, maging sa lahat ng desisyon namin sa buhay. Malaki ang pagtitiwala niya na hindi kami gagawa ng kahit anong magpapasama ng loob niya. Gayon niya ipinararamdam ang pagmamahal niya sa amin (bukod sa pagbibigay ng mga pangunahin naming pangangailangan). Dahil dito, masasabi kong lumaki kaming mabubuting mga anak at may malaking takot sa Panginoong Diyos. Siya ang tipo ng ina na mapagsasabihan mo ng problema at mahihingan ng mga pagpapayo.
            Pangalawa ako sa tatlong magkakapatid. Si Verazon Palad ang aming ate (nakatatandang kapatid na babae), 22 taong gulang, at si Hezain Palad, 14 taong gulang naman ang aming bunso. Si ate ay tapos ng kursong Information Technology at empleyado ngayon sa isang distributing company sa San Pablo, Laguna. Labis kong hinahangaan ang aking ate. Mabait at maalalahanin siya. Noong mawalan ng hanapbuhay si Papa ay buong tapang niyang sinuportahan ang aming pamilya sa abot ng kanyang makakaya. Siya rin ang unti-unting nagpapaayos ngayon ng aming munting tahanan. Ang bunso namin ay kasalukuyang nasa sekondarya. Napakagaling niyang gumuhit. Malambing din siya. Minsan nga lang ay nagtatalo kami sa mga maliliit na bagay ngunit kahit gayon, alam naming mahal namin ang isa’t isa.
            Tunay na maipagmamalaki ko ang aking mga mahal sa buhay. Sila ang nagpapalakas sa akin kapag ako ay nanghihina. Ito rin ang dahilan kung bakit linggo-linggo ay sabik na sabik akong umuuwi sa aming tahanan. Isa pang dahilan ng aking kasabikan sa pag-uwi ay ang makapaglingkod sa Panginoong Diyos at makasama ang aking mga kapananampalataya sa loob ng Iglesia ni Cristo. Masasabi kong ito ang naging susi ng aming pamilya sa pagkakaroon ng magandang samahan. Ang pananampalatayang ito rin ang gumagabay sa aming magkakapatid kaya hindi kami gumagawa ng masama.
            Ako ay nag-aral ng elementarya sa Paaralang Sentral ng Del Remedio, Brgy, Del Remedio, San Pablo City, Laguna. Nakilala ko rito ang aking mga tapat na kaibigan na sina Czhareen, Mariejean, Joana Marie, at Keith John. Bukod sa mababait na kaibigan, maraming pinagkaloob na karunungan sa akin ang paaralang ito. Hinding-hindi ko malilimutan ang aming gurong si Ginang Madrideo noong nasa ikaapat na baitang kami. Siya ang nagpalabas ng aking kagalingan sa Matematika. Nagtiwala siya at hinayaan akong lumaban sa mga paligsahan. Unang beses ko pa lang iyon at nanalo kami ni Keith John ng ikatlong pwesto sa aming distrito. Ito ay isang mahalagang bahagi ng aking buhay sapagkat ito ang nagtulak sa akin upang pagbutihin pa ang aking pag-aaral. Nagtapos ako ng elementarya bilang Salutatorian ng aming klase.
            Dahil hindi gaanong maganda ang kalagayan ng aming buhay noong makapagtapos ako ng elementarya, pinilit kong makapasok sa Laguna State Polytechnic University Laboratory Science High School San Pablo City Campus sapagkat kahit na mababa ang matrikula ay maganda pa rin ang kalidad ng edukasyon. Dito ay hinubog kami sa pagiging responsable ng aming prinsipal na si Dr. Chua. Lagi niya kaming pinagagalitan kahit konting pagkakamali lamang sapagkat sabi niya noon, ayaw niya na para kaming mga walang pinag-aralan kapag lumabas na kami sa unibersidad. Nang mga panahong iyon ay takot at sama ng loob ang  nararamdaman ko sa kanya. Hindi ko akalaing tatanawin kong malaking utang na loob ang kanyang paghihigpit sa amin sapagkat kung hindi dahil doon ay hindi ako makapapasok at makapananatili dito sa UP. Isa siya sa magiging dahilan sakaling ako ay magtagumpay sa aking buhay.
            Nasa ikaapat na taon ako sa sekondarya nang ako ay magmahal. Mas matanda siya sa akin ng isang taon at kumukuha siya ng kursong Civil Engineering dito sa UP. Naging magkasintahan kami hanggang sa makatapos na ako ng sekondarya at pumasok na rin sa UP. Dahil magkaparehas kami ng nararanasan ay tumagal kami ng tatlong taon. Nitong Enero 1, 2014 ay nakipaghiwalay ako sa kanya dahil masyado akong naging abala at maligaya sa piling ng aking mga kaibigan (sina Yuni, Jamina, at iba pang kakurso) na nabago bigla ang aking isipan. Napagtanto ko na masyado pang maaga upang pumasok sa isang relasyon dahil mahaba pa ang aming lalakbayin at marami pang darating na mga problema; na dapat ay bigyan muna namin ng kalayaan ang aming mga sarili upang mas maging mabuting tao pa; na dapat ay sa pamilya at pag-aaral ko muna ilagak ang aking atensyon at panahon. Ngayon ay mabuting magkaibigan kami at bukas naman kami sa ideya na maaaring kami pa rin ang magkatuluyan sa tamang panahon.
            Hindi rin nagtagal ay may nagustuhan ulit ako. Ang masakit dito, hindi kami parehas ng nararamdaman. Nakaapekto sa akin ng lubusan ang pangyayaring ito, higit sa lahat, sa aking pag-aaral. Bumaba ang aking mga marka at nawala ako sa direksyon na aking tinatahak. Napakahalaga ng pangyayaring ito para sa akin. Mula sa isang magandang relasyon ay ito ang aking kinahantungan. Natutunan kong hindi lahat ng mga bagay ay maaayon sa ating kagustuhan o sa ating napagplanuhan. May mga bagay na hindi nakatalaga sa atin. Ngunit dapat pa ring maging positibo at itatak sa isip na ang mga bagay na nangyayari ay para sa ating ikabubuti kaya dapat ay masaya nating ipagpatuloy ang ating buhay.

            Sa kasalukuyan, nakatuon ang aking isipan sa pag-aaral. Ang hangad ko ay matapos ang aking kurso sa tamang bilang ng taon at makapagbigay ng karangalan sa aking mga magulang at mga mahal sa buhay.

No comments:

Post a Comment